CAUAYAN CITY – Nagpalabas ng Executive Order (EO) si Mayor Bernardo Garcia ng Cabatuan, Isabela na nagsuspindi sa in-person classes sa Cabatuan National High School matapos maitala ang mga kaso ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Garcia na may 12 guro na nagpositibo sa isinagawang COVID-19 test sa Rural Health Unit (RHU) kaya isinailalim sila sa isolation para maiwasan ang hawaan.
Sinabi pa ni Mayor Garcia na nagpalabas siya ng EO para suspindihin muna ng 7 na araw ang face-to-face classes at gawin itong online classes para hindi mahawaan ang mga mag-aaral.
Patuloy ang contact tracing at pagsisiyasat kung paano nagkaroon ng COVID-19 sa nasabing paaralan.
Maayos naman ang kalagayan ng mga gurong tinamaan ng COVID-19 dahil asymptomatic ang ilan sa kanila.
Pinag-iingat ni Mayor Garcia ang mga mamamayan sa Cabatuan, Isabela.
Hiniling niya na magkaroon ng social distancing at gumamit pa rin ng face mask ang mga mamamayan para maiwasan na tamaan ng nasabing sakit