Nahaharap sa mga reklamong kriminal ang 12 pulis matapos masawi ang isang suspek na kanilang inaresto dahil umano sa suffocation sa Pasay City.
Ayon kay Pasay Police Chief Col. Joselito De Sesto, isinampa na nila ang reklamo sa City Prosecutor’s Office noong Martes laban sa 12 pulis dahil sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Sa nasabing bilang, anim ay mula sa Pasay City Police Substation, lima sa Southern Police District Mobile Force Battalion (SPD MFB), at isa mula sa National Capital Region Police Office Mobile Force Battalion (NCRPO MFB). Dagdag pa ni Sesto, dalawa sa mga tauhan ng SPD MFB ay nahaharap din sa karagdagang reklamo kaugnay ng umano’y pangmamaltrato sa preso.
Nag-ugat ang insidente noong Agosto 5 nang arestuhin ng pito sa mga pulis ang isang 29-anyos na residente ng Pampanga dahil sa umano’y panggugulo at paninira ng gamit sa isang convenience store sa Barangay 75, Zone 10.
Batay sa CCTV footage, pumasok ang suspek sa stockroom ng tindahan at makikita umanong dinaganan siya ng mga pulis. May pagkakataon din na sinuntok umano siya sa likod.
Dinala ang suspek sa Pasay City Police Substation 5 para sa dokumentasyon, ngunit habang isinasagawa ito ay nagreklamo siya ng hirap sa paghinga.
Agad siyang isinugod sa Pasay City General Hospital, ngunit idineklara siyang patay bandang 9:40 ng gabi ng parehong araw.
Wala pang impormasyon kung may dati nang kondisyon o sakit ang suspek bago maaresto. Subalit batay sa medicolegal report ng Pampanga Provincial Forensic Unit, ang sanhi ng pagkamatay ay asphyxia by manual strangulation.
Hanggang sa ngayon, wala pang pahayag ang SPD at NCRPO kaugnay ng insidente.







