CAUAYAN CITY – Umabot na sa 12,000 manggagawa sa pribadong sektor na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang nabigyan ng ayuda ng DOLE Region 2 na mula sa COVID Adjustment Measures Program (CAMP).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gerry Nicolas, Senior Labor and Employment Officer ng DOLE Region 2, sinabi niya na umaabot na sa P60-M ang kanilang naipamigay na ayuda sa labindalawang libong manggagawa na naunang nag-apply sa DOLE-CAMP.
Aniya, 22,000 na manggagawa ang puntirya nilang mabigyan na may pondong P110.
Ayon kay Nicolas, umabot sa 60,000 ang nag-apply sa kanilang portal.
Itinigil na aniya nila ang pagtanggap ng aplikasyon noong April 15 at kung sino lamang ang mga nakapag-aaply bago ang kanilang cut-off ay sila ang mabibigyan ng pagkakataon na mapasama sa mga mabibigyan ng ayuda.
Gayunman, ang mga nag-apply pagkatapos ng kanilang cut-off ay ilalapit nila sa Department of Finance (DOF) para mabigyan din sila ng pagkakataon na makatanggap ng tulong.
Samantala, sinabi pa ni Nicolas, na nagsimula na rin silang mamahagi sa mga nasa informal sector dahil nagsimula na ring magtrabaho ang mga benepisaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers Program #Barangay Ko, Bahay Ko (TUPAD BKBK).











