Isang pambihirang bandila ng Pilipinas na tinatayang 127 taong gulang ang natagpuan ng lokal na historian na si Errol Santillan sa Antique.
Ayon kay Santillan, nakikipag-ugnayan na siya sa National Historical Commission upang ideklara ito bilang national treasure.
Sa ngayon, nasa pangangalaga ito ng pamilya ni 2nd Lt. Ruperto Abellon dating second-in-command ni Gen. Leandro Fullon noong panahon ng rebolusyon laban sa Kastila at digmaan laban sa Amerikano.
Ayon sa apo ni Abellon, pinaniniwalaang galing sa Hong Kong ang bandilang ito at kasama sa mga dala ni Gen. Emilio Aguinaldo nang bumalik siya sa Pilipinas noong 1898.
May sukat itong 53” x 93” at kagaya ng kasalukuyang watawat: may kulay pula, asul at puti, at may tatlong bituin para sa Luzon, Visayas, at Mindanao.





