--Ads--

Sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) Bayombong District Office ang 13 pulis mula Cagayan Valley. Batay sa dalawang press release ng nasabing tanggapan, kabilang sa mga kinasuhan ang pitong pulis mula Nagtipunan, Quirino Province at anim mula Nueva Vizcaya, sa magkahiwalay na kaso.

Sa kaso sa Quirino, kabilang sa mga inireklamo ang isang Police Major at anim pang kasamahan nito mula sa Nagtipunan Municipal Police Office. Sila ay iniimbestigahan kaugnay sa pagkamatay ni Jim White noong Mayo 28, 2025 sa San Pugo, Nagtipunan. Naisilbi sana sa biktima ang warrant of arrest, ngunit ayon sa ulat ng pulisya, nanlaban umano ito kaya nabaril at namatay.

Nagharap ng reklamo sa NBI satellite office sa Quirino ang kapatid ng biktima dahil sa hinalang foul play. Isinagawa ang autopsy at lumabas na lahat ng tama ng bala ay nasa likod, dahilan upang maghinala ang NBI na posibleng may pananabotahe. Nabatid din na walang body camera ang mga pulis sa operasyon, na isang requirement ng Korte Suprema sa pagsisilbi ng warrant. Ayon sa pamilya, nakatakda na sanang sumuko si White at naipabatid na ito sa korte at ilang opisyal, ngunit tila hindi nalaman ng mga operatiba.

Samantala, sa Nueva Vizcaya, nagsampa naman ng kaso si Freddie Mallari mula Bone South, Aritao laban sa anim na pulis na dating miyembro ng Provincial Intelligence Unit (PIU), kabilang ang isang Major, isang Master Sergeant, dalawang Corporal, isang Patrolman, at isang pulis mula Aritao Municipal Police Station na hindi nabanggit ang ranggo.

--Ads--

Nauna nang naabsuwelto si Mallari sa kasong ilegal na pag-iingat ng baril matapos lumabas sa ebidensya na wala namang baril sa lugar bago ang operasyon. Nakunan niya ng video ang paligid bago dumating ang mga operatiba, na ginamit bilang patunay sa kasong paglabag sa Section 38 ng Republic Act 10591 o liability for planting of evidence. Napatunayan na hindi kanya ang baril na nakuha sa lugar.

Binigyang-diin ng NBI Bayombong na bagama’t mabigat para sa kanila ang magsampa ng kaso laban sa kapwa tagapagpatupad ng batas, tungkulin nilang ipatupad ang batas at gampanan ang kanilang mandato.