--Ads--

CAUAYAN CITY – Mayroon nang gabay ang pulisya sa naganap na pagbaril at pagpatay sa isang menor de edad sa loob ng isang computer shop sa Cabatuan, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Harold Gazmin, 14 anyos, out-of-school youth at residente ng Centro, Cabatuan, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Prospero Agonoy, hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi niya na nasangkot sa mga away-kabataan ang biktima.

Sa katunayan umano ay ilang beses na tinugunan pulisya noong nakaraang taon ang kinasangkutang away ng binatilyo.

--Ads--

Ayon pa kay Sr. Insp. Agonoy, hindi nila inaalis ang motibo na posibleng may nagtanim ng galit sa biktima kaya’t siya ay ginantihan.

Naunang lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang naglalaro sa loob ng computer ang menor de edad ay biglang dumating ang 2 suspek na nakasuot ng jacket, maong pants at bullcap.

Tatlong beses na pinaputukan ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo gamit ang Caliber 45 na baril.

Walang CCTV Camera sa computer shop na maari sanang magamit para sa posibleng pagkakilanlan ng 2 suspek.