CAUAYAN CITY – Nasa mahigit isandaan at apatnapung nabakunahan sa Rehiyon Dos ang nakaranas ng simpleng adverse effects mula sa Sinovac Vaccine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rio Magpantay, ang Direktor ng DOH Region 2, sinabi niya na sa humigit kumulang siyam na libong unang nabakunahan ay nasa isandaan apatnaput isa ang nakaranas ng adverse effect ng bakuna.
Karamihan naman sa mga ito ay minor lamang ang naranasang epekto ng bakuna tulad ng pananakit ng ulo at pagtaas ng presyon na agad ding naaaksyunan ng mga attending physicians at napapauwi.
Ayon kay Dr. Magpantay nasa siyamnapung bahagdan na ng mga health workers ang natapos mabakunahan sa rehiyon mula sa Sinovac Vaccine at inihahanda na rin ng DOH Region 2 kung saan idedeliver ang bakuna mula sa Aztrazeneca maging ang ikalawang dose ng Sinovac.
Bineberipika pa umano nila ang bilang ng mga nabakunahan upang matiyak ang alokasyong ibibigay.
Aniya napaaga ang pagdating ng 2nd dose ng sinovac ngunit kailangan pa ring hintayin ang apat na linggo bago simulan ang pagbabakuna para sa 2nd dose.
Ngayong araw ay sisimulan na ng DOH Region 2 ang pagdeliver ng aztrazeneca vaccine sa mga ospital na handa na sa vaccination program para sa mga senior citizen at mga umayaw na magpabakuna sa sinovac.