Umabot sa 143 na election paraphernalia ang nabaklas ng Comelec Cauayan City sa isinagawang Oplan Baklas kahapon sa kalunsuran.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, Election Officer ng Comelec Cauayan City sinabi niya na sa pagsagawa nila ng operasyon ay umabot sa 143 na illegal campaign materials ang kanilang natanggal.
Ito ay maaring gawing ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga kandidato na may-ari nito batay sa nakasaad sa Fair Election Act.
Aniya dapat kasi ay sa mga designated na campaign poster areas ilagay ang mga ito at hindi sa kung saan-saan lamang.
Karamihan sa mga nabaklas na posters ay pag-aari ng ilang senador at party list system.
Maliban sa eyesore o pangit sa paningin ay nakakalito rin ito sa mga motorista na imbes na mga road signage ang makita sa lansangan ay pagmumukha ng mga kandidato ang kanilang nakikita.
Karamihan sa mga nilagay na poster ay sa mga puno, poste ng kuryente, waiting sheds at street signs kaya pinagtatanggal nila ang mga ito
Panawagan niya sa mga kandidato at kanilang mga supporters na huwag nang maging pasaway at sumunod sa panuntunan dahil maaring dito makasuhan at madiskwalipika ang kanilang kandidato.
Kalimitan naman aniyang common poster areas ay sa harap ng mga barangay hall sa lungsod ng Cauayan.





