15 barangay ang kinilala ng lungsod ng Cauayan bilang Best Agri-EcoTourism Communal Garden matapos masunod ang mga panuntunang itinakda ng City Nutrition Office para sa pagpapaunlad ng nutrisyon at kabuhayan sa komunidad.
Ayon Kay Cauayan City Nutritionist Mary Jane Yadao, pangunahing batayan sa pagkilala ang pagkakaroon ng communal garden na bukás at accessible sa mga kabahayan, may malinaw na agri-ecotourism na tema, at maayos na organisasyon.
Inaatasan ang mga barangay na magtanim ng hindi bababa sa dalawampung uri ng pananim, kabilang ang mga herbal plants upang muling buhayin ang tradisyunal na halamang-gamot at mapalawak ang mapagkukunan ng nutrisyon sa komunidad.
Binibigyang-diin din ng mga panuntunan ang paggamit ng open-pollinated varieties (OPV) upang magsilbing tuloy-tuloy na source ng binhi at punla ang communal garden para sa home food production ng mga residente.
Kailangan ding pinamamahalaan ng mga opisyal ng barangay at mga organisasyon ang hardin, may kumpletong dokumentasyon sa pangangalaga, at may malinaw na community impact, partikular sa mga benepisyaryong kabahayan.
Dagdag pa rito, isa sa mahahalagang rekisito ang sustainability kung saan inaasahang magiging income-generating ang communal garden ng barangay.
Tumanggap ng ₱10,000 ang bawat kinilalang barangay bilang insentibo at suporta sa pagpapatuloy ng programa.











