Hindi bababa sa 15 katao ang nasawi sa panibagong pag-atake ng mga rebeldeng konektado sa Islamic State sa tatlong baryo sa silangang bahagi ng Democratic Republic of Congo, partikular sa Lubero territory, ayon sa mga opisyal nitong Biyernes.
Ang mga rebelde ay mula sa Allied Democratic Forces (ADF), na nagsimula sa Uganda at kinilala ng Islamic State bilang kaalyado, ay patuloy na nagsasagawa ng mararahas na pag-atake sa kabila ng operasyon ng hukbong sandatahan ng Congo at Uganda.
Ayon kay Macaire Sivikunula, hepe ng Bapere locality, karamihan sa mga biktima ay pinatay gamit ang matatalas na armas, habang nakipagbarilan din ang mga rebelde sa mga sundalo sa Maendeleo.
Kinumpirma ni Alain Kiwewa, military administrator ng Lubero, na 16 katao ang kabuuang bilang ng mga nasawi. Dagdag pa ni Kakule Kagheni Samuel, sinunog din ng mga militante ang ilang kabahayan.
Noong Nobyembre, iniulat ng U.N. peacekeeping mission (MONUSCO) na 89 sibilyan ang pinatay ng ADF sa loob ng isang linggo. Noong Setyembre naman, inako ng grupo ang pag-atake sa isang libing na kumitil ng mahigit 60 sibilyan.
Ang karahasan ng ADF ay hiwalay sa digmaan laban sa M23 rebels na suportado ng Rwanda, na kumitil ng libo-libong buhay at nagpalikas ng daan-daang libo noong nakaraang taon, dahilan upang magsagawa ng mediasyon mula sa administrasyon ni U.S. President Donald Trump at Qatar.







