CAUAYAN CITY – Nadakip ng mga otoridad ang isang magsasaka matapos masamsaman ng 8 kilo ng Marijuana sa isinagawang drug operation sa Agbannawag, Tabuk City, Kalinga.
Sa pagtaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2 ay umabot sa 15 kilo ng Marijuana bricks at tubular ang nasamsam mula kay Rolando Yagao, 32 anyos, magsasaka at residente ng Tinglayan, Kalinga.
Kasama ng PDEA region 2 sa isinagawang operasyon ang Kalinga Police Provincial Office, 1501st at 1503rd Regional Mobile Force Battalion, Tabuk City Police Station at iba pang unit na nagbunga ng pagkasamsam ng mga Marijuana bricks at tubular na nagkakahalaga ng 1.8 million pesos.
Kabilang sa mga nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang 8 bricks ng Marijuana na may timbang na walong kilo, 8 piraso ng Marijuana tubular na 7 kilo, mga boodle money na ginamit sa operasyon at isang cellphone na hinihinalang ginagamit niya sa pakikipag-transaksyon
Sasampahan ngayong araw ng kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek nasa pangangalaga ng Tabuk City Police Station.