Umabot na sa labinlimang katao ang kumpirmadong nasawi habang 43 pa ang nawawala matapos lumubog ang isang roll-on/roll-off o RORO ferry sa karagatang sakop ng Pilas Island, Basilan kaninang madaling-araw.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan ng Basilan, 317 pasahero na ang ligtas na naisalba. Batay sa salaysay ng mga nakaligtas, kalmado umano ang dagat nang mangyari ang insidente. Kinumpirma rin ng Philippine Coast Guard District Southwestern Mindanao na hindi overloaded ang barkong M/V Trisha Kerstin 3.
Ilan sa mga nakaligtas ay dinala sa Zamboanga City habang ang iba ay sa Basilan. Ilan sa mga pasahero ay unang nasagip ng Bantay Dagat ng Barangay Baluk-Baluk at ipinasakamay sa Philippine Coast Guard.
Batay sa ulat ng Coast Guard, lumubog ang barko bandang alas-1:50 ng madaling-araw habang bumibiyahe mula Zamboanga City patungong Jolo, Sulu. Sakay nito ang 332 pasahero at 27 crew at nag-ooperate sa loob ng awtorisadong capacity. Wala ring naobserbahang oil spill sa lugar ng insidente.






