--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinututukan ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang namonitor na kaso ng newcastle disease ng mga manok sa Amulung West, Cagayan at patuloy ang pag-spray ng disinfectant sa siyam na barangay na nakapagtala ng nasabing sakit.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na  umabot sa 104 blood samples ang nakuha sa Amulung West  at negatibo sa avian influenza.

Nilinaw niya na hindi naman mapanganib ang newcastle disease kumpara sa avian influenza dahil halos taun-taun ay nararanasan ito ng mga nag-aalaga ng manok dahil sa lagay ng panahon na mainit at biglang uulan.

Ang sintomas ng sakit na ito ay  may sipon ang manok, nanghihina, nakayuko at tumutulo ang sipon.  

--Ads--

Ang mga makakarecover sa sakit ay  bigyan lang malinis na inuming tubig at bitamina.

Umabot sa 1,507 na manok ang mga namatay sa siyam na barangay at para ma-contain ang sakit ay ikinulong ang mga malakas pa at isinagawa ang disinfection.

Samantala, kinumpirma ni Regional Director Edillo na nagkukulang ang produksiyon ng manok  dahil sa takot sa avian flu.

Nagbawas ng capacity ang mga nag-aalaga ng manok bunsod ng pagkamatay noon ng mahigit 2,000 na layers sa isang poultry farm sa Alicia, Isabela.

Mababa rin ang supply ng mga manok at itlog kaya tumaas ang presyo bunga ng  patuloy na pag-iral ng  avian flu sa Pampanga na nagbunga na ng pagkamatay ng daang libong manok.