
CAUAYAN CITY – Desidido ang pamilya ng 16-anyos na dalagita sa San Mariano, Isabela na magsampa ng kaso laban sa kasintahan nitong umanoy tumakas matapos siyang pagsamantalahan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktima, sinabi niya na inihatid siya ng kanyang kasintahan sa kanilang paaralan para magpasa ng module at nang pauwi na ay dinala siya nito sa kanilang bahay sa barangay Cataguing.
Ayon sa biktima ni-lock ng kanyang kasintahan ang kuwarto bagamat nagpumiglas ay pinagbantaan siya nitong sasaksakin.
Matapos ang pangyayari inakala ng dalagita na pupuntahan siya ng kasintahan subalit nagulat na lamang nang makatanggap ng mensahe na nagtungo na ito sa Cauayan City upang magtrabaho.
Inakala niya na ipagtatapat ng kasintahan sa kanyang mga magulang ang pangyayari subalit hindi nangyari.
Binalak rin ng pamilyang makausap ang magulang ng kasintahan subalit tumakas umano ito.
Nagbanta naman ang biktima na magsusumbong siya sa mga otoridad subalit hindi umano ito natatakot sa mga pulis.
Galit naman ang ama ng biktima dahil sa ginawa sa kanyang anak.
Nitong mga nakaraang araw ay hinintay ng anak ang binata para makausap subalit hindi na nagpakita.
Dahil dito ay nagpasya na silang magtungo sa DSWD San Mariano at sa himpilan ng pulisya para sa pagsasampa ng kaso.










