CAUAYAN CITY- Nahuli sa aktong nagbebenta ng marijuana ang 16 anyos na estudyante sa mismong compound ng isang paaralan sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, kay SPO1 Luther Villanueva, tagasiyasat ng Bayombong Police Station, sinabi niya na isinagawa nila ang drug operation matapos matanggap ang impormasyon hinggil sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ng mag-aaral na itinago sa pangalang Tonton.
Ang drug buy-bust operation ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Bayombong Police Station, Municipal Drug Enforcement Unit, Provincial Drug Enforcement Unit at PDEA region 2.
Dito nagpanggap na poseur buyer ang isa sa mga kasapi ng PDEA na nagbunga ng pagkahuli ng mag-aaral matapos iabot ang isang pakete na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana kapalit ng P500 marked money.
Nakuha rin sa pag-iingat ng suspek ang dalawa pang pakete ng marijuana matapos siyang kapkapan ng isa sa mga kasapi ng Bayombong Police Station.
Dahil sa menor de edad, ipinasakamay siya sa pag-iingat ng DSWD, habang ang nasamsam sa kanya na marijuana ay dinala sa Crime Laboratory ng PNP Nueva Vizcaya para sa pagsusuri.




