--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa labing-anim na bayan sa lambak ng Cagayan ang naideklarang African Swine Fever o ASF free.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na karamihan sa mga bayang naideklara nang ASF free sa ikalawang rehiyon ay  mula sa Isabela na may labing isa, tig-iisa sa Cagayan at Nueva Vizcaya habang tatlo sa Quirino.

Kinabibilangan ito ng Benito Soliven, Burgos, Cordon, Echague, Mallig, San Agustin, San Manuel, San Mariano, Quezon, San Guillermo, at Luna sa Isabela; Solana sa Cagayan; Bagabag sa Nueva Vizcaya at Aglipay, Cabarroguis at Diffun sa lalawigan ng Quirino.

Aniya, ang mga naturang lugar ay na-upgrade na sa Pink zone mula sa Red at ang ibig sabihin aniya ng Pink na kulay ay repopulation na o bukas na muli ang pag-aalaga ng baboy.

--Ads--

Ayon kay Regional Executive Director Edillo, naililipat ang color coding ng isang lugar kapag wala ng naitalang kaso ng ASF sa loob ng lima hanggang anim na buwan.

Pagkatapos ng anim na buwan at wala ulit naitala ay maari na muling ilipat sa Yellow mula sa Pink.

Sa ngayon ay prayoridad nila ang mga bayan sa ikalawang rehiyon na nasa Pink zone.

Inamin naman ni Regional Executive Director Edillo na may naitatala nanamang kaso ng ASF sa lalawigan ng Cagayan.

Napag-alaman nila na galing ito sa mga frozen meat na nakakalusot pa rin sa mga checkpoint.

Dapat aniya ay gumawa ng paraan ang mga LGU dahil sila ang may kontrol sa kanilang mga palengke at nang hindi makalusot ang mga frozen meat.

Nakiusap naman siya sa mga nagpupuslit ng frozen meat na isipin din ang kapakanan ng iba para maideklara na ring ASF free ang ikalawang rehiyon.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo.