Labing-anim na pulis, kabilang ang hepe ng Dolores Municipal Police Station, ang pinalitan sa kanilang tungkulin matapos umanong mag-inuman sa loob ng istasyon noong ginanap ang kanilang Christmas party noong Disyembre 15.
Ayon kay Lt. Col. Analiza Catilogo-Armeza, Public Information Officer ng Police Regional Office 8 (PRO-8), agad na inutos ang imbestigasyon matapos kumalat sa social media ang mga larawan at video na nagpapakita ng umano’y grupo ng mga pulis sa drinking session na bahagi ng kanilang Christmas party.
“Allegedly, nag-iinuman ang ating mga personnel sa loob ng police station. Nang makatanggap ang PRO-8 ng report, nagbigay ang Regional Director ng instruction para magsagawa ng angkop na imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan,” ani Armeza.
Kasama sa mga pinatalsik ang 16 pulis at isang non-uniformed personnel (NUP). Ang lahat ng sangkot ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Provincial Personnel and Accounting Unit habang tinutukoy ang karampatang parusa.
Binanggit din ng PRO-8 na patuloy nilang iniimbestigahan ang papel ng hepe ng pulisya sa umano’y kapabayaan na hindi pagpigil o pagpapaalala sa kanyang mga tauhan sa nasabing insidente.
Dahil sa pag-alis ng labing-anim na personnel, magpapadala ang PRO-8 ng kapalit na tauhan sa Dolores Municipal Police Station. Binigyang-diin ng ahensya na mahigpit nilang ipinatutupad ang disiplina at hindi pinapayagan ang anumang maling gawain sa hanay ng kapulisan.






