Magiging katuwang ng Bombo Radyo Cauayan ang 1602nd Ready Reserve Infantry Brigade sa blood activity ng Bombo Radyo Philippines na Dugong Bombo 2025 sa Nobyembre 15.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PTR./SGT. Pedro Navarro, Chaplain ng 1602nd Ready Reserve IB, sinabi niyang ito ang kauna-unahang pagkakataon na makikiisa sila sa Dugong Bombo, bagaman taun-taon ay nagsasagawa rin sila ng sariling bloodletting activity sa kanilang hanay.
Aniya, layunin ng kanilang pakikilahok na makapagbigay ng tulong sa kapwa bilang bahagi ng kanilang humanitarian service, hindi lamang para sa mga pamilya ng mga reservist at kasundaluhan, kundi maging sa mga mamamayan.
Ibinahagi rin ni Sgt. Navarro na masaya ang mga kasundaluhan sa kanilang desisyong lumahok dahil alam nilang makatutulong ito sa kapwa-tao.
Samantala, karamihan aniya sa mga kasapi ng Reserve Force ay mga propesyonal, kabilang na ang mga empleyado ng Department of Education (DepEd) at ilan ay mga negosyante.
Ang kwalipikasyon para maging reservist ay ang pagtatapos ng Basic ROTC o Basic Citizen Military Training (BCMT) na tumatagal ng 45 araw upang ma-enlist sa Reserve Force.
Maliban sa naturang grupo ay makakatuwang din ng Bombo Radyo Cauayan Junior Chamber International (JCI) Isabela sa Dugong Bombo.
Nitong Biyernes (Oktubre 24) ay lumagda ang 1602nd Ready Reserve Infantry Brigade, JCI Isabela at Bombo Radyo Cauayan ng memorandum of agreement para sa pormal na pakikibahagi ng mga ito sa nalalapit na bloodletting activity.









