Kinilala na ng pamilya ang bangkay ng isang binatilyo na natagpuang palutang-lutang sa isang irigasyon sa Brgy. Villa Magat, San Mateo, Isabela, pasado 1:30 ng tanghali, noong lunes, Enero 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Lieutenant Jose Tamang, Deputy Chief ng San Mateo Municipal Police Station, ang biktima na 17-anyos, na binatilyo ay residente ng Purok 7, Brgy. Palacian, San Agustin, Isabela.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, ang binatilyo ay may sakit na epilepsy at ulila na sa mga magulang kaya inaalagaan ng kanyang mga kamag-anak sa Purok 4, Brgy. Sinamar Sur, San Mateo upang mabantayan ang kanyang kalagayan.
Noong Linggo, Enero 25, naligo umano ang biktima sa irigasyon na malapit sa kanilang bahay.
Gayunman, hindi napansin ng mga kaanak na nawawala ito dahil sanay umano ang binatilyo na manatili lamang sa loob ng bahay at bihirang lumabas.
Ayon sa pulisya, wala ring napa-ulat ng pagkawala sa kanilang himpilan dahil inakala umano ng pamilya na nasa loob lamang ng kanilang tahanan ang biktima.
Sa pagsusuri ng Rescue 309 San Mateo, lumalabas na pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng binatilyo. Mayroon din umanong mga galos sa ulo, kamay, at paa na pinaniniwalaang dulot ng insidente.
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na maging mas maingat at mapagmatyag, lalo na sa mga kapamilyang may karamdaman, upang maiwasan ang kaparehong trahedya.











