CAUAYAN CITY – Patay ang isang estudyante matapos mabiktima ng hit and run sa pambansang lansangan na sakop ng Maligaya, Echague, Isabela.
Ang nasawing biktima ay si Jojo Samut, 17 anyos at residente ng lugar habang hindi pa nakikilang ang suspek na tsuper ng isang trailer truck.
Sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Cauayan sa Echague Police Station, ang biktima ay tinatahak ang nasabing daan habang sakay ng kanyang Mio motorcycle na may plakang BD 17585 patungo sa Santiago City.
Bigla umanong umovertake ang biktima sa kasunod na sasakyan at dito nabangga ang kasalubong na trailer truck.
Nagtamo ng malubhang sugat sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad dinala sa ospital subalit binawian din ng buhay.
Sa ngayon ay inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng tsuper para sa pagkadakip at pagsasampa ng kaso laban sa kanya.




