--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa pangangalaga na ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Angadanan,isabela ang mag-aaral na nasamsaman ng baril.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Chief Inspector Ardee Tion, hepe ng Angadanan Police Station na iniulat ng pamunuan ng isang paaralan sa kanilang himpilan na mayroong 17 anyos na itinago sa pangalang Andoy ang nakitaan ng Cal. 38 baril sa kanyang bag.

Inihayag pa ni Chief Inspector Tion na lumabas sa kanilang pagsisiyasat na apat na araw nang nasa pangangalaga ni Andoy ang nasabing baril.

Sinabi pa ng hepe na kinuha ng mag-aaral ang nasabing baril sa higaan ng kanyang tiyuhin dahil sa takot na gamitin ito sa kanya.

--Ads--

Palagi anyang sinasaktan ng kanyang tiyuhin si Andoy at sa takot na baka gamitin sa kanya ang baril ay kanyang kinuha at itinago sa kanyang bag.

Sinabi pa ni Chief Inspector Tion na ang nasabing baril ay lumang-luma na at walang bala.

Nanawagan pa ang hepe ng pulisya sa mga magulang na tignan at suriin ang kanilang mga gamit bago pumasok sa paaralan.