CAUAYAN CITY – Nasa pangangalaga na ng Echague Police Station ang menor de edad na suspek sa panggagahasa sa isang buntis.
Ang pinaghihinalaan ay labimpitong taong gulang habang ang biktima ay dalawampu’t pitong taong gulang na buntis, may asawa at kapwa residente ng Dicaraoyan, Echague Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Marizen Benabese, Junior WCPD PNCO ng Echague police station, sinabi niya na naganap ang panggagahasa kahapon dakong alas diyes kinse ng umaga.
Bago ang insidente ay inutusan ang biktima ng kaniyang asawa na bumili ng yelo at habang naglalakad ay nakasalubong nito ang suspek.
Nang makarating sa sagingan o farm ay sinamantala ng suspek ang kawalan ng tao sa paligid at itinulak ang biktima saka ipinahiga at isinakatuparan ang panggagahasa.
Nang makarating sa mga opisyal ng barangay ang insidente ay agad na inilunsad ang isang hot pursuit operation at agad na nadakip ang suspek.
Agad namang dinala sa Echague District Hospital ang biktima dahil sa walang tigil na pagdurugo sa maselang bahagi ng kanyang katawan para sa agarang lunas bago inilipat sa southern isabela medical center o SIMC sa lunsod ng santiago para sa surgical operation.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng echague police station ang suspek para sa disposisyon habang inihahanda ang kaso nitong panggagahasa.