CAUAYAN CITY – Nasa 17 pamilya na sa lalawigan ng Cagayan ang isinailalim sa preemptive evacuation dahil sa naranasang pagbaha na epekto ng pag-ulan na dala ng bagyong Goring.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Officer Rueli Rapsing ng Cagayan, sinabi niya na bagamat may mga pag-ulan ay banayad lamang ang hangin sa lalawigan.
Aniya, inilikas na sa iba’t ibang evacuation center ang 17 pamilya na binubuo ng 57 katao sa bayan ng Gonzaga matapos makaranas ng pagbaha dahil sa bagyong Goring.
Batay sa monitoring ng PDDRMO, mula sa Barangay Flourishing at Sta. Clara ang mga inilikas sa nasabing bayan.
Nakararanas na rin ang ilang bayan ng power interruption kasabay ng nararanasang pabugso-bugsong pag-ulan.
Sa ngayon, patuloy na nakatutok ang naturang tanggapan katuwang ang mga rescuers ng Task Force Lingkod Cagayan, Municipal DRRM at iba pang mga ahensya sa mga nasasakupang lugar sa posibleng epekto ng Typhoon Goring.
Patuloy din nilang minomonitor ang mga coastal municipalities dahil sa inaasahang storm surge na dulot ng lumalakas na bagyo.
Bilang paghahanda ay pinulong na nila ang lahat ng DRRMO sa lalawigan upang mamanduhan sa kanilang mga areas of responsibility.
Tiniyak naman ni Rapsing na nakadeploy na ang kanilang mga asset sa ilang areas of concern upang agad na makapagbigay ng augmentation sa mga mangangailangang residente.
Tinig ni PDRRM Officer Rueli Rapsing.