CAUAYAN CITY – Tadtad ng saksak ang nakasakong bangkay ng isang lalaki sa Barangay Lublub, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PO1 Christian Tuscano, tagasiyasat ng Alfonso Castañeda Police Station na isang nagngangalang Marianito Caburlan ang tumawag sa himpilan ng pulisya kaugnay sa nakitang nakasakong bangkay sa 7 metro ang layo sa National Highway.
Nauna rito ay nagtaka si Caburlan kung ano ang laman ng dilaw na sako kaya kanyang sinuri at laking gulat niya nang malaman na taong duguan ang laman nito.
Kaagad na tumugon ang mga pulis sa nasabing lugar at nakumpirmang patay na ang lalaki.
Agad isinailalim sa postmortem Examination ang bangkay ng lalaki sa pamamagitan ni Dr. Rea Sylvia Candido, municipal health officer ng Alfonso Castañeda.
Nagtamo ng 11 saksak sa likod ang biktima at may nakapulupot na tali sa leeg na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ang biktima ay tinatayang mahigit 30 anyos, mayroong tangkad na 5’4”, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot lamang ng puting saplot .
Mayroong naka-tattoo sa kanang balikat na JENNY, spider at star habang sa kaliwang balikat ay may naka-tattoo na dagger at JENNIFER.




