--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang labimpitong indibidwal matapos na tumagilid ang sinasakyan nilang jeep sa Lubuagan, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruff Manganip, Spokesperson ng Kalinga Police Provincial Office, sinabi niya na ang pampasaherong jeep ay galing sa Uma, Lubuagan at nakatakda sanang ihatid ang labimpitong pasahero nito sa Tabuk City nang magkaroon ng mechanical problem ang sasakyan.

Nang makarating ang sasakyan sa pababang bahagi ng kalsadang nasasakupan ng Balangabang, Dangoy ay hindi gumana ang preno ng jeep na nagsanhi upang mawalan ito ng kontrol sa manibela at pagtagilid ng sasakyan sa lansangan.

Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang sampung pasahero na agad dinala sa Kalinga Provincial Hospital in Tabuk City habang ang pitong iba pa ay minor lamang ang tinamong injury.

--Ads--

Sa ngayon ay inoobserbahan pa ang mga pasyente at kasalukuyan ang imbestigasyon ng pulisya.

Ayon kay PCapt. Manganip, ito ang unang pagkakataon na may maaksidente sa nasabing lugar na hindi klasipikado bilang accident prone area.

Aniya loaded din ang nasabing jeep at maaring hindi rin ito power steering kaya mahihirapan ang tsuper na ikontrol ang manibela kung nawalan na ito ng preno.

Pinaalalahanan naman niya ang mga may-ari ng mga lumang sasakyan na laging magsagawa ng maintenance check kapag  bumibyahe upang maiwasan ang aksidente.