Nakatakdang ikasal ang isang daan pitumpong couples sa kasal ng bayan na gaganapin sa Isabela Convention Center sa ikasiyam ng Pebrero.
Ayon sa Civil Registrar Office, nalagpasan nito ang kanilang puntirya na isang daan limampong couples ngayong taon.
Bukod dito ay halos doble rin ang mga nakatakdang ikasal ngayong taon kung ikukumpara noong nakaraang taon na nasa siyamnapong couples lamang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Civil Registrar Nerissa Serrano, sinabi niya na nakapaghanda na ang Civil Registrar Office sa mga kailangan at noong Lunes ay nakakuha na ng Certificate of no marriage ang tanggapan para sa mga nakatakdang ikasal.
Aniya, libreng matatanggap ng mga ikakasal ang mga kailangang ihanda sa kasal at magbibigay din ng cash gift ang pamahalaang lunsod.
Hinikayat naman nila ang mga ikakasal na magtungo ng maaga sa lugar kung saan gaganapin ang kasalang bayan para walang maging problema.