Aabot sa 179 na personnel ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang idineploy na bilang karagdagang tulong sa mga himpilan ng pulisya sa buong lalawigan para sa 2025 Midterm Elections.
Isinagawa ang Send-Off Ceremony sa IPPO Headquarters kahapon na pinangunahan mismo ni Provincial Director PCol Lee Allen Bauding.
Binubuo ito ng anim na Police Commissioned Officers (PCOs) at 173 na Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) na nagmula sa iba’t ibang istasyon ng pulisya sa lalawigan.
Binigyang diin naman ng Provincial Director ang mahalagang gampanin ng karagdagang personnel sa mga itinalagang lugar upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa halalan.
Batay sa color coding system ng COMELEC, ang Jones at Maconacon ang nasa Red Category o Election Areas with Grave Concern sa Isabela at kamakailan lamang ay napabilang sa nasabing kategorya ang bayan ng San Pablo matapos ang nangyaring shooting incident noong ika-25 ng Abril na may kaugnayan sa halalan.











