Na-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 18 Chinese vessels sa apat na maritime features sa West Philippine Sea mula Pebrero 15 hanggang 22.
Sa Bajo de Masinloc, namataan ang apat na barko ng People’s Liberation Army (PLA) Navy at limang barko ng Chinese Coast Guard (CCG). Sa Ayungin Shoal, apat naman na CCG ang naitala.
Sa Escoda Shoal, nakita ang dalawang PLA Navy at isang CCG, samantalang sa Pag-asa Island, isang PLA Navy at isang CCG ang namataan.
Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, spokesperson para sa West Philippine Sea, hindi nila sinusukat kung tumaas o bumaba ang bilang ng mga barko kada linggo. Ang pangunahing tinitingnan ng AFP ay ang ilegal na presensya ng mga Chinese vessels sa nasabing bahagi ng dagat.
Tiniyak ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na patuloy nilang binabantayan ang pambansang teritoryo at soberanya ng bansa, alinsunod sa international law, at may layuning mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.









