--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim ang Isabela sa 18-day General Community Qurantine (GCQ) simula ngayong araw March 29, 2021 hanggang April 15, 2021 upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19).

Ang GCQ bubble set-up naman ay ipinatupad simula ngayong araw hanggang April 5, 2021 para mapigilan ang paglabas ng mga mamamayan patungo sa ibang lugar sa panahon ng Mahal na Araw.

Ang pagpapatupad ng 18-day GCQ sa Isabela ay batay sa Executive Order (EO) na ipinalabas ni Governor Rodito Albano.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na kailangang isailalim sa GCQ bubble set-up ang Isabela ngayong Semana Santa upang mapigilan ang movement ng mga tao at maiwasan ang pagkalat ng virus.

--Ads--

Sa ilalim ng GCQ ay pinapayagan lamang ang mga essential travel at bawal na lumabas sa bahay ang mga mamamayan maliban kung bibili sila ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng mga pagkain at papasok sa trabaho.

Bawal ang dine-in sa mga restaurant kundi pinapayagan lamang ang mga takeout at delivery.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pag-inom ng alak, pag-videoke at iiral ang curfew hours mula 10:00PM hanggang 4:00AM.

Hiniling ni Gov. Albano ang pagsunod ng mga mamayan sa mga panuntunan sa GCQ at sumunod sa mga health protocols para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Ang pahayag ni Gov. Rodito Albano

Samantala, kahapon ay naitala ang record high na bagong kaso ng COVID-19 na 214 sa Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Information Officer Elizabeth Binag hindi pa kasama sa 214 ang mga confirmed cases na  wala pang CV tag.

Dahil dito umakyat sa  976  ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Isabela at pinakaraming naitala ang bayan ng Roxas na may 83, sumunod ang Santiago City na 34, Jones 33, Mallig 20, San Isidro 13, Ilagan City 8,  tig-dadalawa sa Burgos, Cabatuan, Cauayan City, Naguillian, Quezon, San Agustin at San Manuel habang naitala ang tig-iisa sa mga bayan  Angadanan, Benito Soliven, Cordon,  Echague, Gamu, Sta. Maria,  Sto Tomas at Tumauini.

Sa ngayon ay umabot na sa 7,279  ang COVID-19 positive sa Isabela, 6,165  ang gumaling, 976  ng aktibong kaso at 138  ang nasawi.

Sa mga aktibong kaso ay 9 ang Locally Stranded Individuals (LSI), 129  ang mga health workers,  21 ang pulis at 817   sa local transmission.

Aon kay Atty. Binag, ang nakikitang dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 batay sa pahayag ng  Provincial Inter-Agency Task Force (PIATF) ay ang pagdami ng local transmission dahil nagkakahawaan ang mga miyembro ng  pamilya,  ang pagpayag ng ilang LGU sa home quarantine at ang pagluwag sa mga health protocols.

Ang pahayag ni Atty. Elizabeth Binag

Sinabi pa ni Atty. Binag na dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay nagkakapunuan na,  hindi lamang ang mga level 3 hospitals kundi maging ng mga  level 1 hospitals.

Ang mga temporary  treatment and monitoring facilities ng mga LGU’s ay nagkakapunuan na rin.

Ginagawan na ito ng paraan ng pamahalaang panlalawigan  sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga isolation units at pagbili ng mga steel houses na ilalagay sa mga district hospital.

Muling pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ang publiko na sundin ang mga alituntunin at huwag lumabas sa bahay para makaiwas sa virus.

Ang pahayag ni Atty. Elizabeth Binag.