--Ads--

Nagsumite kahapon ng referral complaints sa Office of the Ombudsman si Atty. Levito Baligod, abogado ng 18 dating Marines at sundalo na umano’y nagsilbing bagman at security aide ni dating kongresista Zaldy Co. Ayon sa kanila, naghatid umano ng bilyong pisong halaga ang grupo sa mahigit 30 opisyal ng gobyerno at mga pulitiko.

Sa 36-pahinang affidavit, hiniling ni Baligod sa Ombudsman na imbestigahan ang mga paratang dahil posibleng may paglabag ito sa R.A. No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at R.A. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Batay sa salaysay ng 18 dating tauhan ni Co, umano’y nagdeliber sila ng pera na aabot sa P805 bilyon. Inilarawan sa kanilang sinumpaang pahayag na ang pera ay kadalasang nakalagay sa mga maleta, paper bag, o expandable envelopes at inihahatid sa mga bahay, opisina, at iba pang pribadong lugar.

Nakasaad din na may pitong senador at ilang dating kongresista ang kabilang umano sa mga tumanggap ng pera. Binanggit din sa affidavit ang umano’y paghahatid ng pera sa tahanan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Marcos.

--Ads--

Nadawit din ang pangalan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla matapos umanong isagawa sa kanyang bahay ang isang pagpupulong na pinondohan para sa mga opisyal ng International Criminal Court (ICC) na bumisita noon sa bansa.

Samantala, nilinaw ni Asst. Ombudsman Mico Clavano na ang isinumiteng affidavit ay hindi pa maituturing na verified complaint na maaaring maging batayan ng pormal na imbestigasyon. Aniya, ang paghahain nito ay maituturing pa lamang na transmittal of affidavit at daraan pa sa karaniwang evaluation process, kabilang ang pagsusuri sa sufficiency in form and substance, hurisdiksyon, at kung may prima facie basis ang mga alegasyon.

Dagdag pa ni Clavano, hindi lamang ang nilalaman ng reklamo ang susuriin kundi pati ang kredibilidad ng mga nag-akusa. Binigyang-diin din niya na dahil sa dami ng personalidad na nadadawit at sa timing ng paglalabas ng reklamo sa gitna ng mainit na usaping pampulitika, hindi papayagan ng Ombudsman na magamit ang kanilang tanggapan bilang entablado ng pulitika.