--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadakip ang labingwalong hinihinalang myembro ng sindikato na nagpapanggap umanong kasapi ng International Police o Interpol kabilang na ang tatlong senior citizen sa bayan ng Diffun Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Reynold Gonzales, hepe ng Diffun Police Station, sinabi niya na nadakip ang mga suspek dahil sa paglbag sa RA.11332 at Article 177 ng Revised Penal Code o ang Usurpation of authority or official function at  nagpakilala sila na kasapi ng  Interpol.

Nakakuha ng impormasyon ang mga pulis  sa mga residente ng Brgy. Balagbag tungkol sa pagsasagawa ng pagpupulong ng mga pinaghihinalaan sa lugar na may layunin umanong magrecruit ng kanilang mga kasapi maging ang pangongolekta ng membership fee sa mga sasali sa grupo na inamin naman  ng pinuno nila na si Dickson Versola, residente ng  Paniki,  Bagabag Nueva Vizcaya.

Siya ay tinatawag na supremo ng mga miyembro ng grupo at mayroon umanong ranggong 5 star general ng International Police Commission.

--Ads--

Kasama sa mga nadakip ang tatlong lola na hinihinalang nalinlang din ng grupo dahil hindi nila alam ang tunay na layunin ng grupo maliban sa pagtulong sa kapwa.

Ayon kay PCapt. Gonzales, karamihan sa mga pinaghihinalaan ay  taga Nueva Vizcaya at Isabela.

Ayon sa lider ng grupo, layunin ng grupo na tumulong sa kapwa ngunit ang ipinagtataka ng mga pulis ay ang kanilang pangongolekta ng membership fee at monthly due.

Nang mahuli ang mga pinaghihinalaan ay wala din silang maipakitang dokumentong nagpapatunay na sila ay kasapi ng Interpol at wala rin silang travel pass, medical certificate at resulta ng antigen test.

Hindi rin  maaaring sumapi ang isang ordinaryong tao sa interpol dahil mahigpit ang kwalipikasyong hinahanap dito.

May nauna nang namonitor ang pulisya noong 2019 na katulad ng grupo ngunit kanilang itinanggi na sila ay miyembro nito.

Nagpaalala  si PCapt. Gonzales sa mga mamamayan na maging mapanuri sa mga sinasalihang organisasyon upang hindi mabiktima ng masasamang loob.

Ang bahagi ng pahayag ni PCapt. Reynold Gonzales.