CAUAYAN CITY – Isang binata ang naitalang kauna-unahang namatay ngayong taon sa Santiago City dahil sa leptospirosis.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lilibeth Cabanlong, Sanitary Inspector ng City Health Office (CHO), sinabi niya na ang nasawing 19 anyos na binata na residente ng Ambalatungan, Santiago City ay tumutulong sa kanyang ama sa mga gawain sa bukid.
Nakaranas siya ng lagnat na umabot ng limang araw bago siya dinala ng kanyang pamilya sa Barangay Health Center upang ipakonsulta.
Batay sa talaan ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), lima na ang naitalang leptospirosis case sa Santiago City na mula sa mga Barangay ng Patul, Cabulay, Nabbuan, Balintocatoc at Ambalatungan simula noong buwan ng Enero 2020.
Aniya, karaniwan sa kanilang mga naitatalang tinatamaan ng nasabing sakit ay mga magsasaka na edad 60 pababa.
Dahil dito, patuloy ang kampanya ng tanggapan kontra sa leptospirosis pangunahin na ngayong panahon ng tag-ulan.