--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na emosyonal ang kasintahan ng pinatay na binata sa seremonya ng kanilang kasal bago inihatid sa huling hantungan sa isang memorial garden sa Cauayan City.

Bago ito ay isinagawa ang necrological rites sa Our Lady of the Pillar Parish Church kaninang alas otso ng umaga na dinaluhan ng maraming kamag-anak at kaibigan ng pamilya ng biktimang si Jake Anthony Macadangdang, 22 anyos, residente ng District 1, Cauayan City.

Ang mga kapamilya ni Jake ay nakasuot ng t-shirt na may mukha ng binata at sa likod ay nakasulat ang “Justice for Jake”.

Ang binata ay nasawi habang 6 na kasama ang nasugatan matapos sadyang banggain ang sinasakyan nilang 3 motorsiklo ng kotse na minamaneho ng nakaaway nilang si Aaron Christian Reyes, residente ng San Juan Aurora, Isabela sa isang bahay kainan.

--Ads--

Ang nobya ni Jake na si Zyrine  na nasa huling taon sa kolehiyo ay anak ng nagretirong head ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City Government na si Ginoong Antonio Delmendo ay nakasuot ng puting semi-casual na damit.

Dahil hindi na maisuot sa matigas nang daliri ng binata ang kanilang wedding ring ay ipinatong na lang ito sa kanyang daliri.

Sinabi ni Zyrine  sa kanyang pagsasalita na mahal na mahal niya ang kanyang nobyo.

Ibinahagi niya ang mga sulat at mensahe na ibinigay sa kanya ni Jake mula noong sila ay maging magkasintahan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Delmendo na mahal na mahal ng kanyang anak si Jake kaya sinuportahan niya ang kagustuhan niyang ikasal sila bago ilibing ang bangkay ng binata.

Ayon kay Ginoong Delmendo, noong nakaraang taon lamang niya nalaman na nobyo na ng kanyang anak si Jake noong sila ay naka 2nd year high school pa lamang kaya batid niya na seryoso sila sa kanilang relasyon.