CAUAYAN CITY – Naaresto sa quarantine checkpoint sa Cordon, Isabela ang isang binatang sales specialist matapos makumpiska sa kanyang sasakyan ang 2 sako ng mga pinatuyong dahon ng Marijuana.
Ang suspek na si John Patrick Catabona , 26 anyos binata at residente ng Bagong Sikat, Munoz, Nueva Ecija ay inaresto ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP Highway Patrol Group (HPG), Philippine Army (PA) at Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sa mga paglabag sa batas .
Ang suspek na sakay ng isang Hyundai Accent ay pinigil kaninang alas siyete ng umaga sa quarantine checkpoint sa Caquiingan Cordon, Isabela para suriin ang kanyang travel documents bilang protocol sa COVID-19 pandemic.
Walang hawak si Catabona na health certificate, walang official plate number ang kanyang sasakyan at expired ang kanyang driver’s license.
Sa inspection sa kanyang sasakyan ay nakuha sa trunk ng kanyang kotse ang dalawang sako ng pinatuyong dahon ng Marijuana na 16 kilograms at tinatayang 2.4 million ang halaga.
Bago naaresto ang suspek ay inatasan ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office ang pamunuan ng Cordon Police Station na harangin ang sasakyan ng suspek sa quarantine checkpoint sa Caquilingan,Cordon, Isabela.
Ito ay dahil sa natanggap na impormasyon mula sa PDEA na bumili si Catabona ng mga pinatuyong dahon ng Marijuana sa Tabuk City, Kalinga at patungong Manila.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. James Cipriano, provincial director ng IPPO na ang pagka-aresto ni Catabona ay bunga ng patuloy na kampanya laban sa illegal drugs at sa magandang koordinasyon nila sa PDEA.
Tumanggi aniya si Catabona na bumaba sa kanyang sasakyan at kinukuwestiyon ang mga otoridad ngunit inaresto siya dahil sa kanyang mga paglabag sa batas tulad ng pagbiyahe nang walang travel documents, expired ang driver’s license at sa pag-transport ng illegal drugs.












