--Ads--

Higit dalawang libong pamilya ang inilikas mula sa mga coastline ng Aurora sa pananalasa ng Bagyong Paolo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Amando Egargue, ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Aurora, sinabi niyang inilikas ang nasa 2,516 pamilya o 7,176 katao mula sa walong bayan ng Aurora. Pinakamarami sa mga inilikas ay mula sa mga bayan ng Dilasag, Casiguran, at Dinalungan.

Ayon kay Engr. Egargue, inilikas ang mga evacuees noong Miyerkules, partikular ang mga residenteng naninirahan malapit sa coastline.

Sa kasalukuyan, wala namang naitalang casualty, at lahat ng mga pangunahing kalsada papasok at palabas ng Aurora ay nananatiling passable.

--Ads--

Tiniyak din ni Engr. Egargue na sapat ang suplay ng kanilang tanggapan upang tugunan ang pangangailangan ng mga evacuees na kasalukuyang nananatili sa evacuation centers.

Bago pauwiin ang mga lumikas, magsasagawa muna ng monitoring ang mga lokal na pamahalaan upang matiyak na ligtas nang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng naapektuhan ng bagyo.

Hanggang sa ngayon, may ilang barangay sa lalawigan ng Aurora ang wala pa ring suplay ng kuryente.