--Ads--

CAUAYAN CITY – Nag-uwi ang Region 2 ng unang gintong medalya, apat na pilak at isang tanso sa debut ng Dancesport bilang regular event sa Palarong Pambansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jun Doria, Dancesport Tournament Manager ng Region 2 sinabi niya na nakuha nina Yuhan Mejia at Reyya Margaret Tutaan mula sa SDO Santiago City ang gintong medalya sa sa Chachacha event ng dancesport.

Naibulsa rin ng rehiyon ang isang bronze sa Samba at apat pilak naman sa paso doble, Jive at sa five dance Latin categories.

Aniya napakasaya nila ngayon dahil isa nang regular event ang dancesport sa Palarong Pambansa lalo na at ginanap pa ito sa Cebu City na itinuturing na dancesport capital of the world.

--Ads--

Dalawang linggo bago ang palaro ay tinipon ng Deped Region 2 ang mga atleta at coaches pangunahin na ang kanilang trainers para sa in-house training na isa sa naging rason ng maganda nilang performance sa nasabing event.

Inilipat sa training team ang resident trainer ng Santiago City na si John Paul Capinpin para mas matutukan ang mga manlalaro.

Umaasa naman sila na magpapatuloy ang magandang performance ng rehiyon hindi lamang sa dancesport kundi maging sa lahat ng mga event ng Palarong Pambansa.

Umaasa rin silang ngayon na naipakita na sa mainstream ang dancesport ay mas lalo pang magningning ang talento ng mga manlalaro upang maipakita hindi  lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang kakayahan ng mga pilipino sa nasabing larangan.