CAUAYAN CITY – Viral sa social media ang dalawang barangay sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya dahil sa nararanasang malamig na klima na mas malamig pa sa Lunsod ng Baguio.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Provincial Tourism Management Office (PTMO) ng Nueva Vizcaya, ang mga barangay ng Malico at Santa Rosa sa bayan ng Santa Fe ay mas mataas pa sa Baguio City.
Nasa higit 1,600 meters above sea level ang taas ng lugar at mas mataas ng 200 meters sa Baguio City na mayroon lamang higit 1,400 meters above sea level.
Ayon sa PTMO, nakapagtatala ng 7 to 9 degrees celsius o mas mababa pa tuwing amihan ang dalawang barangay at hindi lalagpas sa 22 to 23 degrees celsius ang mainit na temperatura.
Bukod sa magandang klima, kilala rin ang Malico at Santa Rosa sa ilan pang tourist sites kabilang ang pine forest, Hingi Falls, Japanese tunnels, Salacsac Pass at Salacsac/Santa Rosa Pine Forest.
Karaniwan sa mga residente sa lugar ay katutubong Ikalahan-Kalanguya, Ibaloi at Kankanaey.
Pangunahin naman sa pinagkakitaan sa lugar ay ang pagtatanim ng repolyo, carrots at minsan ay mga strawberry na ibinababa sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.
Dahil sa pandemya ay nagpaalaala ang Tourism Office na eksklusibo pa lamang ang lugar sa mga taga-Nueva Vizcaya.






