--Ads--

Nakapagtala ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ng dalawang insidente ng pinsalang dulot ng paputok noong mismong Araw ng Pasko, Disyembre 25, 2025.

Ayon kay Dr. Cherry Lou Antonio, Medical Center Chief ng CVMC, isang 13-anyos na residente ng Tuguegarao City ang nagtamo ng sugat sa kamay matapos gumamit ng whistlebomb. Hindi naman malubha ang kanyang kalagayan at agad na nilinis ang sugat at binigyan ng anti-tetanus injection.

Samantala, mas seryoso ang sinapit ng isang 8-anyos, na mula rin sa Tuguegarao City, matapos ding gumamit ng whistlebomb. Matinding napinsala ang kanyang kanang kamay, kaya’t agad siyang isinailalim sa operasyon na kinailangan ang pagputol ng ilang daliri.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, hawak umano ng bata ang paputok nang bigla itong sindihan ng kanyang kasama, dahilan upang ito ay sumabog.

--Ads--

Bukod sa mga insidenteng may kinalaman sa paputok, 66 na kaso ng road traffic injuries ang naitala mula Disyembre 21 hanggang 25. Karamihan sa mga nasugatan ay kalalakihan na may edad 19 hanggang 59.

Patuloy namang pinapaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa paggamit ng paputok at maging responsable sa pagmamaneho at paglalakbay ngayong Holiday Season.