CAUAYAN CITY – Dalawang bayan sa ikalawang rehiyon ang nakapagtala ng bagong kaso ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Manuel Galang, focal person on ASF ng Department of Agriculture (DA) region 2 na naitala ang ASF sa mga bayan ng Enrile at Lasam, Cagayan.
Agad na gagawa ng action ang DA region 2 para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa mga karatig na lugar.
Sinabi ni Dr. Galang na magsasagawa sila ng disinfection at information dissemination sa mga lugar na tinamaan ng ASF.
Kinukumpirma pa nila ang natanggap nilang impormasyon na ang ASF ay posibleng bunga ng pagbiyahe ng mga baboy mula sa ibang rehiyon tulad ng Cordillera Administrative Region (CAR).
Aktibo naman aniya ang mga ASF checkpoint sa Cagayan dahil katuwang nila ang mga kawani ng Provincial Veterinary Office.
Ayon kay Dr. Galang, matatagpuan ang apat na ASF regional checkpoint sa Sta. Fe at Kayapa, Nueva Vizcaya, Nagtipunan, Quirino at Sta. Praxedes, Cagayan.
Ang isa sa mga tinitingnan nila kung bakit nakakalusot sa mga checkpoint ang mga baboy mula sa ibang rehiyon ay ang pagsakay sa mga ito sa mga pribadong sasakyan.
May karne rin ng baboy na ipinupuslit ay maaaring dahilan ng muling pagkakaroon ng kaso ng ASF sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Galang, mula nang manalasa ang ASF sa region 2 noong 2019 ay umaabot na lamang sa 100,000 ang population ng baboy sa rehiyon mula sa dating 480,000.
Mahigit 237 million pesos ang naibayad ng pamahalaan sa mga hog raisers na na-cull ang mga baboy dahil sa ASF.
Sinabi pa ni Dr. Galang na hindi na babayaran ng DA ang mga baboy na isinailalim sa culling dahil sa nasabing sakit.
Ang lahat ng mga tinamaan ng ASF na naireport sa LGU at naiparating sa Provincial Veterinary Office at i-eendorso sa DA region 2 ay isasali sa Swine Recovery and Repopulation Program.
Magbibigay sila ng isang sentinel na baboy at kapag nakalusot ay magbibigay ulit ang DA ng tatlong baboy.
Kapag nag-alaga ng baboy ang mga sumailalim sa programa ay dapat na may sariling piggery at walang aalagaang ibang hayop tulad ng manok, pato at aso na posibleng maging carrier ng virus.






