--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawang bayan na sa lalawigan ng Isabela ang apektado ng panibagong outbreak ng African Swine Fever o ASF.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barboza, Provincial Veterinary Officer sinabi niya na sa ngayon ay apektado na ang bayan ng Angadanan at San Guillermo.

Aniya sa bahagi ng San Guillermo ay nakapag-cull na sila ng labimpitong baboy maliban pa ito sa mga namatay na umabot sa apatnaput anim mula sa dalawang barangay  ng District 1 at Anonang na nauna nang nailibing ng mga may-aring hograisers.

Tatlumput siyam naman ang namatay sa Angadanan bago nakapag-cull ang Veterinary Office na umabot naman sa dalawamput apat na baboy.

--Ads--

Malapit aniya ang nasabing mga barangay sa Brgy. La Suerte ng Angadanan kung saan unang naitala ang mga pagkasawi ng mga alagang baboy ng mga backyard hograisers dahil sa ASF.

Dumadaan aniya ang mga residente ng La Suerte sa bayan ng San Guillermo na maaring nagdala ng sakit sa nasabing lugar.

Isa rin sa tinitingnang rason ang nagtitinda ng mga frozen meat sa mga barangay na maaring nagdala ng sakit.

Pinaalalahanan naman niya ang mga Brgy. Officials na tiyaking may mga kaukulang papeles ang mga vendors na nag-iikot sa kanilang barangay upang matiyak na hindi ito pagmulan ng virus ng ASF.

Nilinaw naman niya na hindi bawal ang pagbebenta ng frozen meat basta may kaukulang papeles o dokumento kung saan ito nanggaling.

Dahil naman sa pagkakatala ng kaso sa nasabing mga bayan ay bawal muna ang pagpapasok at paglalabas ng mga baboy upang macontain ang virus.