
CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ang dalawang biktima ng pagkalunod kahapon sa ilog na bahagi ng Fugu Abajo, Tumauini, Isabela.
Ang mga biktima ay sina Jayson Buraga, 11-anyos, Grade 6 Student at residente ng Fermeldy, Tumauini, Isabela at Peter Baguno, 42-anyos, laborer at residente ng Cañogan, Sto.Tomas, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Eric Bartolome, Team Leader ng Bagong PAG-ASA Rescue Group sa Tumauini, Isabela na nangyari ang insidente ng pagkalunod ng dalawang biktima sa pagitan ng alas onse hanggang alas dose ng tanghali kahapon.
Nagtungo aniya sa ilog ang mga biktima para magpicnic dahil may nag-birthday.
Aniya, unang nalunod ang batang lalaki na si Buraga at sinubukan siyang sagipin ni Baguno subalit parehas silang lumubog dahil sa lakas ng agos ng tubig.
Sa ngayon ay hindi pa natatagpuan ang katawan ng dalawang biktima kaya patuloy pa rin ang pagsasagawa nila ng Search and Rescue Operations katuwang ang Rescue 811 ng Tumauini, Isabela at ibang grupo.
Sinabi niya na hindi naman ito ang unang pagkakataon na may nalunod sa naturag lugar dahil may nauna na noon na isang babae.
Paalala niya sa mga mamamayan na hanggat maari ay iwasan muna ang pagpipicnic at sakali mang hindi maiwasan ay bantayan na lamang ang mga bata.










