CAUAYAN CITY – Maglalatag ng Animal Health Monitoring checkpoint ang pamahalaang panlalawigan sa Cordon at San Pablo, Isabela para matiyak na hindi makakapasok ang mga baboy o produktorng mula sa karne ng baboy na apektado ng African Swine Flu (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Agriculturist Angelo Naui na inaayos na ang executive order para sa pagtatag ng checkpoint at task force na mangangasiwa dito.
Ang Task Force aniya ay bubuuin ng mga opisyal ng Provincial Public Safety Office, Provincial Veterinary Office, Philippine National Police (PNP) at Municipal Agriculture Office ng Cordon at San Pablo, Isabela.
Ayon kay Dr. Naui, 24 oras ang operasyon ng ilalatag na checkpoint na susuri sa mga papasok na baboy sa Isabela at by-product ng baboy para malaman kung cleared ang mga ito at walang outbreak ng ASF sa pinanggalingan na lugar.
Kung may dokumento ay puwedeng papasukin sa Isabela ngunit kung kaduda-duda ang mga ito ay pababalikin sa pinanggalingan na lugar.
Sinabi pa ni Dr. Naui na noong nakaraang linggo na nagkaroon ng suspected case na hindi pa naman kumpirado sa Rizal ay kinausap na nila ang mga livestock technician, municipal at city veterinarian na kausapin ang mga barangay kapitan na agad na ireport sa kanila kung may mga kaso ng pagkamatay ng baboy sa kanilang lugar lalo na kung ang sintomas ay katulad ng ASF.
Kabilang sa mga sintomas ng baboy na may ASF ay matamlay, walang ganang kumain, mataas ang lagnat at ang tiyan ay may pasa-pasang itim.
Kung buntis ay makukunan ang baboy na may ASF.
Sinabi ni Dr. Naui na sakaling may sintomas ng ASF ang isang namatay na baboy ay kukunan nila ng blood at organ samples na ipapadala sa Maynila para masuri.
Tiniyak ni Dr. Naui na tuluy-tuloy ang kanilang monitoring at walang outbreak ng ASF sa Isabela.
Hinigpitan din ng Department of Agriculture (DA) ang checkpoint sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya at Sta. Praxedes, Cagayan.
Sapat din ang suplay ng karne ng baboy sa Isabela kahit walang papasok mula sa ibang lalawigan.