
CAUAYAN CITY – Pinaghahanap ng mga otoridad ang dalawang Children in Conflict with the Law (CICL) na nakatakas sa bahay Pag-asa sa barangay San Pablo, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, personal na nagtungo sa Cauayan City Police Station ang nakatalagang guwardiya sa Bahay Pag-asa na si Jeremiah Paul Garcia at si CSWD Officer Maria Elena Javier upang ipabatid ang pagkakatakas ng dalawang CICL.
Sa report ng Cauayan City Police Station, nakatakas sa Bahay Pag-asa Transition and Rehabilitation Facility ang dalawang CICL na sina Axcel Asuncion Isla, nasa wastong gulang at residente ng District 3, San Manuel, Isabela na may kasong robbery at isang 17 anyos na binatilyo na nahaharap sa kasong murder.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na kahapon nang madaling araw nang tumakas ang dalawang CICL.
Isasagawa sana kahapon ang pulong ng dalawang CICL at mga kawani ng CSWD upang talakayin ang mga kinasangkutan nilang kaso.




