--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang dalawang construction worker matapos mahulog sa inaayos na lansangan sa Purok 1, Mabini, Santiago City.

Ang mga nasugatan ay sina Marcelo Alvior, 28-anyos, may asawa at ang backrider nito na si Robin Sinense, 32-anyos, binata, at kapwa residente ng Bugallion Proper, Ramon, Isabela.

Lumabas sa isinagawang pagsisiyasat ng mga kasapi ng Traffic Group sa Santiago City na binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng Mabini Road patungong Ramon, Isabela nang bigla na lamang dumaan sa outerlane ang motorsiklo sanhi para mahulog ang mga sakay nito sa ginagawang daan.

Nagtamo ng malalang sugat ang dalawang biktima sa kanilang mga mukha at binti habang nagtamo rin ng pinsala ang sinakyan nilang motorsiklo.

--Ads--

Dinala ang mga biktima sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) para malapatan ng lunas.

Ayon naman sa salaysay ng dalawa, hindi nila napansin ang ginagawang lansangan sa kabila ng mga barikada at babala sa construction site.

Hinihinalang lango sa alak ang dalawa bago maganap ang aksidente.