--Ads--

Sumuko sa mga awtoridad ang dalawang Persons Under Police Custody (PUPC) na una nang naipaulat na tumakas sa kulungan ng Philippine National Police sa Tabuk City, Kalinga.

Matatandaan na nitong Enero 4 ay tumakas ang dalawang preso sa custodial facility ng Tabuk City Police Station sa pamamagitan ng pagsira sa railings ng kulungan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruff Manganip, Public Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office, sinabi niya na sa pamamagitan ng patuloy na tracking ng kanilang Intelligence Unit, at sa tulong na rin ng mga kamag-anak ng mga tumakas ay nakumbinsi ang mga ito na sumuko.

Batay sa nakalap na impormasyon ng PNP, isa sa mga ito ay nagtago sa lalawigan ng Nueva Vizcaya habang ang isa naman ay sa Isabela.

--Ads--

Ayon kay PCapt. Manganip, ang dalawang PUPC na tumakas ay kapwa nagkakaso matapos masakote sa buy-bust operation noong Disyembre 2025. Maliban sa shabu ay mayroon ding baril na nakuha sa kanilang pag-iingat.

Isa sa mga tinitingnang dahilan kung bakit tumakas ang dalawa ay maaaring nangamba umano ang mga ito na sila ay mailipat sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa batay na rin sa kanilang mga naririnig sa kanilang mga kasamahan.

Aniya, pinoproseso pa ang kanilang kaso at mayroon pang inaantay na mga dokumento para sila ay pormal na mailipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Pulisya, maaaring may tumulong sa mga ito na makatakas sa pamamagitan ng pagbibigay ng lagari ng bakal.

Aminado naman si PCapt. Manganip na may nangyaring kapabayaan sa naka-duty na Jailer kung bakit ito nakalusot sa custodial facility ng PNP dahilan upang siya’y kasuhan ng administrative case at ma-relieve sa pwesto.

Dahil sa pangyayari, mas maghihigpit ang mga kapulisan sa pagbabantay sa mga indibidwal na nasa kustodiya ng PNP maging ang mga dumadalaw sa mga ito upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.