--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakauwi na sa Isabela ang dalawang distressed Overseas Filipino Worker (Ofw) na matagal na walang komunikasyon sa kanilang pamilya habang sila ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edgar Pambid, presidente ng Isabela OFW Federation, kinilala niya na ang dalawang Ofw na sina Reymalyn Francisco na residente ng Bagong Sikat, San Mateo, Isabela at Remedios Garbo na residente ng San Placido, Roxas, Isabela.

Aniya, 9 na buwan na walang komunikasyon si Francisco sa kanyang pamilya kaya labis silang nag-alala at gumawa ng paraan para malaman ang kanyang kalagayan.

Lumapit sila sa kanilang grupo kaya nakipag-ugnayan sila sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Ovearseas Employment Administration (POEA).

--Ads--

Napag-alaman nila na ang dahilan ng pagkawala ng kaniyang komunikasyon sa kanyang pamilya ay kinuha ng employer ang kanyang cellphone.

Natapos ang kanyang kontrata noong Enero 2019 ngunit pinigilan siyang umuwi ng kanyang amo sa Riyadh.

Natagpuan nila si Francisco at maaaring natakot ang kanyang employer kaya pinauwi na rin siya ngunit hindi ibinigay ang tatlong buwang sahod.

Samantala, si Remedios Garbo ay pinagpasa-pasahan umano ng limang employer sa Dammam, Saudi Arabia subalit bago matapos ang kanyang kontrata sa ikalimang employer ay nagkaroon siya ng pagkakataong tumakas at pumunta sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa nasabing bansa.

Gayunman, nang makiusap siya na magpacheck-up dahil sumasakit ang kanyang tiyan at paa ay sinabihan siyang wala silang pondo.

Ayon kay Ginoong Pambid, nakipag-ugnayan sa kanila ang mister ni Garbo at nagawan nila ng paraan para makauwi sa bansa.

Pinayuhan niya ang dalawang Ofw na makipag-ugnayan sa OWWA para sa 20,000 na tulong pangkabuhayan.

Hinikayat din niya sila na magsampa ng kaso laban sa kanilang agency para mahabol ang kanilang mga employer sa hindi ibinigay na sahod.