Dead on the Spot ang dalawang estudyante habang sugatan ang isa matapos na mag-overshoot sa kalsada ang sinasakyan nilang motorsiklo at sumalpok sa isang traysikel sa Brgy. Bulanao Tabuk City, Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruff Manganip ang tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office sinabi niya na nanggaling ang tatlong estudyante ng Kalinga National High School sa kanilang paaralan nang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang tricycle sa intersection sa Bulanao national road.
Aniya sa kanilang pagsisiyasat lumalabas na mabilis ang patakbo ng mga estudyante na naging dahilan para sumampa ang motor sa center island bago sumalpok sa tricycle.
Dahil sa lakas ng banggaan ay tumagilid ang tricycle na naging sanhi para masugatan ang isang pasahero na isang guro habang nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang dalawa sa mga estudyante na pawang mga walang suot ng helmet na naging sanhi ng agaran nilang pagkasawi habang ang isa ay patuloy na nagpapagaling sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC.
Ayon sa imbestigador, dahil mabilis ang takbo ng motorsiklo na sinasakyan ng mga estudyante ay nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper ng motorsiklo na siyang nagresulta sa malagim na aksidente.
Muli namang bingyang diin ni PCapt Manganip na napakahigpit nila sa pagsasagawa ng check point sugbalit dahil sa malawak ang mga kalsada sa Tabuk ay marami ang nakakalusot o dumadaan sa ibang mga ruta.
Sa katunayan aniya halos araw araw na siyang nagsasagawa ng monitoring sa mga eskwelahan subalit may mangilan-ngilan pa rin sa mga magulang ang matigas ang ulo na hinahayaan at kinukunsinti ang mga anak na menor de edad na mag maneho ng motorsiklo na walang lisensya at kaukulang papeles.
Maliban sa kawalan ng papeles ay maraming mga estudyante ang nagmamaneho na walang helmet at safety gears.