--Ads--

CAUAYAN CITY- Arestado ang dalawang estudyante matapos magpuslit ng ilang mga paninda sa isang malaking mall dito sa  Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang mga pinaghihinalaan ay nasa 18-anyos at 21-anyos, kapwa residente ng Reina Mercedes, Isabela.

Nag-ugat ang pagkaka-dakip sa mga pinaghihinalaan matapos silang makitaan ng kaduda dudang galaw.

Naaktuhan umano sila ng dalawang gwardya na pumuslit ng grocery items at sa halip na sa push cart ilagay ay inilagay nila ito sa eco bag na kanilang dala-dala.

--Ads--

Nang makarating sa cashier ay binayaran lamang nila ang grocery items na nasa cart.

Bago makaalis ay tinignan ng gwardya ang resibo ng kanilang binili ngunit wala umano silang naipakita na resibo ng mga ilang grocery items na nasa kanilang eco bag na may kabuuang halaga na 7,690 pesos.

Agad naman nila itong ipinag-bigay alam sa Cauayan City Police Station.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa mga suspek, aminado sila na ito na ang pangalawang pagkakataon na nagpuslit o shopflift sila sa nasabing supermarket kung saan una umano silang nagnakaw noong April 28.

Paliwanag ng mga pinaghihinalaan na kulang umano ang kanilang pera na pambili ng kanilang pangangailangan kaya nila nagawa muli ang pagpupuslit.

Ayon sa isang pinaghihinalaan, hindi sumasapat ang kita ng kanyang kinakasama na pambili ng gatas ng kanyang dalawang anak kaya niya ito nagawa.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang dalawang pinaghihinalaan para sa kaukulang disposisyon.