Pasok sa National Schools Press Conference (NSPC) ang dalawang estudyante mula sa Schools Division Office (SDO) Cauayan City na gaganapin sa Ormoc City, matapos magkampeon sa kani-kanilang kategorya sa katatapos na Regional Schools Press Conference (RSPC) na idinaos sa Tumauini, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Gema Bala, sinabi nitong naging maganda ang kabuuang resulta ng RSPC para sa SDO Cauayan City matapos makasungkit ng iba’t ibang parangal ang kanilang mga delegado.
Ayon kay Information Officer Bala, mula sa 311 na participants na ipinadala ng SDO Cauayan, itinanghal na kampeon si Noah Buhangin ng Marabulig 1 Elementary School sa Photojournalism Elementary Category habang si Ayson Providence naman ng Cauayan City Stand Alone Senior High School ang nagwagi sa Editorial Writing Secondary English Category.
Dahil dito, ang dalawa ay kabilang sa mga magrerepresenta ng Region 2 sa NSPC ngayong taon. Sa kasalukuyan ay wala pa umanong inilalabas na memorandum hinggil sa eksaktong petsa ng naturang aktibidad.
Samantala, ipinagmalaki rin ng SDO Cauayan ang pag-angat ng Division sa School Paper Category mula sa Rank 6 noong 2025 patungong Rank 4 sa overall results ngayong taon.
Nakatanggap naman ng mga parangal ang mga sumusunod: The Flash, Paddaraga, The Moonlight, Gintong Butil, Ang Kawayan, The Greenhills Eco,The Upriser, Ang Turod at Ragsak.
Nagpasalamat ang SDO Cauayan sa lahat ng participants, sa mga magulang na walang sawang sumuporta sa kanilang mga anak, gayundin sa pamunuan ng Local Government Unit ng lungsod.











