--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi inaasahan ng dalawang estudyante ng isang Catholic School sa Cauayan City ang kanilang panalo sa ginanap na PatalaSanlahi Competition na kanilang nilahukan sa pamamagitan ng online at nakatunggali ang mga kalahok mula sa 28 na paaralan.

Ang PatalaSanlahi ay national level inter-school academic competition na inorganisa ng UP Sanlahi Alliance ng University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Precious Sarah Bielza, Grade 10 student ng Our Lady of the Pillar College-Cauayan (OLPCC) High School,  sinabi niya na hindi niya inasahan na mag-kampeon sa pagsulat ng sanaysay dahil wala siyang paghahanda kundi ginamit niyang motibasyon ang kanyang mga karanasan sa pagiging editorial writer noong siya ay  grade 5.  

Sinabi niya na naging inspirasyon niya ang kanyang ina na palaging nakasuporta upang magtagumpay sa  mga sinasalihang paligsahan at sa paniniwala na hindi siya sasali sa kompetisyon kung  hindi niya kaya.

--Ads--

Ayon kay Bielza,  naging inspirasyon din niya ang pakikipaglaban ni Dr. Jose Rizal para makamit ang kalayaan ng bansa mula sa mga Espanyol ang paggamit ng pluma kaysa sa sandata na hanggang ngayon ay maaari pa ring gamitin  ng mga manunulat  upang maipabatid sa mga mamamayan ang  mga nangyayari sa lipunan.

Sa kompetisyon ay  28 na paaralan ang lumahok  kaya laking gulat niya nang tumawag sa kanya ang isa niyang kasama at sinabi na siya ang tinanghal na kampeon sa pagsulat ng sanaysay at binati  siya ng kanyang  mga kaklase  sa kanilang Group Chat.

Lubos  ang pasasalamat ni Bielza sa lahat ng sumuporta sa kanya  lalo na ang kanyang adviser na sobrang nagtiwala sa kanyang kakayahan sa pagsusulat, ang kanyang pamilya at mga kaibigan.

Ganito ang bahagi ng pahayag ni Precious Sarah Bielza.

Samantala sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan sa kampeon sa Extemporaneous Speaking na si Eliza Adrianne Cordero,  grade 10 student din ng OPCC High School,  sinabi niya na nagkaroon siya ng lakas ng loob na sumali sa competition dahil dati na siyang sumasali sa broadcasting noong siya ay nag-aaral sa Cauayan City South Central School (CCSCS).

May tiwala siya sa kanyang sarili  na kayang-kaya niyang magsalita ng English sa harap ng maraming tao dahil naging minsan na siyang kampeon  sa sinalihang katulad  na kompetisyon.

Ayon kay Cordero, hindi naging mahirap sa kanya ang pagsagot dahil nataon   na ang kanilang topiko ay tungkol sa statutory rape at sasagutin  ito sa pamamagitan ng nasa isip o nararamdaman matapos itaas ang sakop ng batas mula sa edad 12 hanggang 16.

Dagdag pa niya na pagkatapos niyang sumagot ay parang nanghinayang siya dahil pakiramdam niya ay hindi sapat ang kanyang naging sagot o  mayroon pa siyang mas maganda sanang naisagot.

Nang lumabas  ang resulta ng mga nanalo sa extemporaneous speaking ay hindi siya makapaniwala dahil mula sa 25 na kalahok ay siya ang  naging kampeon.

Sinabi ni Cordero na labis ang kanyang pasasalamat dahil sa mainit na pagbati sa kanya ng pamilya, mga kaibigan at  kanyang paaralan.

Ganito ang bahagi ng pahayag ni Eliza Adrianne Cordero.